Nagkasundo ang mga bansang kinabibilangan ng Pilipinas, Indonesia, at Japan na palakasin pa ang kanilang pagtugon sa mga oil spill at pagbutihan ang kooperasyon upang protektahan ang mga yamang-dagat sa rehiyon.
Ipinahayag ito ng mga kalahok na bansa sa pagsasara ng Regional Marine Pollution Exercise (MARPOLEX) 2024 sa BREDCO Port sa Bacolod City nitong June 28.
Dito binigyang diin ni Coast Guard Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan Jr., na kumakatawan kay CG Admiral Ronnie Gil Gavan, ang tagumpay ng pagsasanay sa pagpapahusay ng mga mekanismo sa pagtugon at pagpapatibay ng dedikasyon ng mga kabilang na bansa sa pangangalaga ng karagatan.
Binanggit din nito ang pangangailangan ng patuloy na pagbabantay at proaktibong hakbang laban sa polusyon sa dagat.
Isinasagawa ang MARPOLEX, isang beses tuwing dalawang taon mula pa noong 1986 sa ilalim ng Sulawesi Sea Oil Spill ResponseNetwork Plan Agreement, na nagbibigay-daan sa Philippine Coast Guard, Directorate General of Sea Transportation ng Indonesia, at Japan Coast Guard na magtulungan sa pagtugon sa mga oil spill at ipakita ang kanilang kolektibong dedikasyon para sa mas malinis at ligtas na kapaligirang pandagat.| ulat ni EJ Lazaro