Umabot na sa 104.8 milyong piso ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Region 6 at 7 sa patuloy na aktibidad ng bulkang Kanlaon.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong umaga, ang naturang halaga ay katumbas ng 3,947 tonelada ng produksyon sa 842 ektarya sa dalawang rehiyon.
Apektado dito ang 1,706 na magsasaka at mangingisda, kung saan 135 ang nasa Region 6, at 1,571 ang nasa Region 7.
Samantala, umabot naman sa 8,580 pamilya o 29,839 na indibidual ang naapektohan sa 25 barangay sa dalawang rehiyon.
1,309 na pamilya o 4,785 indibidual ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center, habang 50 pamilya o 342 na indibidual ang tumatanggap ng tulong sa labas ng evacuation Center.
Mahigit 11.3 milyong pisong halaga ng tulong ang naipamahagi na ng pamahalaan sa mga apektadong residente. | ulat ni Leo Sarne