Mas pinapaboran ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang pagpapairal ng “accountability” sa hanay ng kapulisan, kaysa magpatupad ng “one strike policy” sa mga hepe ng mga pulis na nasasangkot sa anomalya.
Ito ang inihayag ng PNP Chief isang ambush interview matapos dumalo sa pagpaparangal ng mga natatanging pulis sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Taguig kaninang umaga.
Paliwanag ng PNP Chief, ang “one strike policy” ay “punitive” o parusa sa mga Commander na agad masisibak kung may tauhan sila na nagkakamali.
Mas maganda aniya na pairalin ang “accountability” kung saan sisiguruhin muna kung responsable ang mga hepe sa pagkakamali ng kanilang mga tauhan bago i-relieve.
Kaugnay naman ng sunod-sunod na ulat ng pagkakasangkot ng mga pulis sa krimen, sinabi ni Gen. Marbil na ito ay dahil sa mas istrikto ngayong sa paghahabol sa mga tiwaling pulis. | ulat ni Leo Sarne