Pinayuhan ng pamunuan ng Philippine National Police ang lahat ng kanilang local commanders na maging mapanuri sa pagtanggap ng mga donasyon at i-background check ang lahat ng mga nag-aalok ng tulong.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame kahapon (June 19) kaugnay ng napaulat na pagsagot ni Mayor Alice Guo sa mga kagamitan ng Bamban Municipal Police Station noong hindi pa siya mayor.
Ayon kay Fajardo, bukas ang PNP sa mga donasyon mula sa mga pribadong indibidwal at organisasyon, basta’t ito’y “no strings attached”, at para lang mas mapahusay ang paghahatid ng serbisyo publiko ng mga pulis.
Kaugnay ng donasyon ni Mayor Guo, sinabi ni Fajardo na titignan ng PNP kung ito ay ginawa sa tamang paraan na may kaukulang Memorandum of Agreement at Deed of Donation.
Kung wala naman aniyang iregularidad sa nasabing donasyon, ay walang dahilan para bigyan ito ng malisya. | ulat ni Leo Sarne