Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na may sapat na kagamitan ang Pulisya para tumugon sa anumang emergency sakaling kailanganin.
Ito’y kasunod ng nangyaring pagputok ng bulkang Kanlaon sa isla ng Negros kagabi.
Ayon kay Directorate for Police Community Relations (DPCR) Chief, PMGen. Bernard Banac, may sapat nang kagamitan ang PNP para sa pagsasagawa ng Search, Rescue and Retrieval Operations sakaling kailanganin.
Sa panig naman ni PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo, handa ang PNP na tumulong sa disaster and relief operations sa mga apektado ng pag-aalburoto ng bulkan.
Mahigpit ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa mga kinauukulang ahensya ng Pamahalaan para sa paghahatid ng tulong sa mga apektado ng sakuna.
Batay sa pinakahuling ulat ng OCD-NDRRMC, humigit kumulang 700 indibiduwal ang inilikas sa ilang lugar sa Negros Oriental at Occidental kasunod ng pagputok ng bulkan kagabi. | ulat ni Jaymark Dagala