Nananawagan si Zambales 1st District Representative Jay Khonghun para sa isang Congressional Inquiry, ukol sa mga umano’y pagkukulang ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na makapagbigay ng angkop na bangka at suporta sa mga mangingisda sa West Philippine Sea.
Kasunod ito ng mga reklamo sa mga fishing community dahil sa hindi akma ang suportang ibinibigay ng ahensya sa tunay na pangangailangan ng mga mangingisda.
Aniya mahalaga na masilip ito lalo na bilang paghahanda sa nalalapit na deliberasyon ng 2025 National Budget.
Mahalaga kasi aniya na tunay na mapakikinabangan ng mga mangingisda ang pondong inilalaan ng Kongreso sa BFAR.
“It is crucial that we address the inadequacies in the support provided to our fishermen. The fishermen in the WPS deserve the best resources to sustain their livelihoods and uphold our national interests in these contested waters,” sabi ni Khonghun.
Binigyang-diin din ng mambabatas na dapat ay bumaba at makinig ang BFAR sa mga fishing community upang marinig at makita ang tunay na pangangailangan ng mga manginisda.
Kamakailan lang ay inanunsyo ng BFAR na naglaan sila ng ₱660-million pambili ng 66 units na 62-footer fishing vessel.
“Reevaluating and potentially reallocating BFAR’s budget will guarantee that every peso is directed towards genuinely improving the conditions for our fishermen. This is about more than just boats; it’s about securing the future of our fishing industry and reinforcing our sovereignty,” giit ni Khonghun.
Batay sa datos ng ahensya, tinatayang nasa 385,300 na mangingisda ang namamalakaya sa West Philippine Sea.
Ang kabuuang huli dito ay katumbas ng anim hanggang pitong porsyento ng kabuuang fisheries sector ng bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes