Patuloy na kinukonsidera ng Department of Transportation ang ipinapanukalang route realignment ng pamahalaang lokal ng San Jose Del Monte, Bulacan sa itinatayong istasyon doon ng MRT-7.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas, sinabi ni DOTR Assistant Secretary for Railways and Officer-in-Charge Jorjette Aquino na ongoing ang kanilang koordinasyon sa LGU at maging sa contractor na San Miguel Corporation (SMC) kung ano ang rutang mas magiging kapaki pakinabang para sa mga pasahero sa Bulacan.
Ngayong hunyo, nakatakda rin aniyang magsagawa ng joint site inspection ang DOTR, at SMC sa lugar para masilip ang tatlong opsyon na ipinapanukala para sa istasyon ng MRT7.
Ayon pa kay Asec. Aquino, nagsasagawa na rin ng feasibility at ridership study ang SMC na kasama rin sa batayan sa magiging pinal na rekomendasyon sa naturang istasyon.
Sa kabila naman nito, tuloy ang target ng DOTR na masimulan ang partial operations ng MRT7 sa huling bahagi ng 2025 kung saan inaasahan ang pagbubukas ng 12 istasyon nito.
Habang target naman ang full operations ng tren sa taong 2027. | ulat ni Merry Ann Bastasa