Target ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na mapalawak pa ang pakikipagtulungan nito sa pribadong sektor at mga organisasyon para sa mas malawak ring pagpapatupad ng adbokasiya nitong Education on Wheels.
Ang EOW ay isang flagship extension program ng unibersidad na nagdadala ng mobile classroom sa mahihirap na komunidad para maghatid ng inclusive education sa mga out-of-school youth.
Unang inilunsad sa Smokey Mountain ang proyekto na ang mga kasalukuyang estudyante ay nasa third year na.
Ngayong araw, isang partner’s meeting ang isinagawa kung saan iprinesenta ang Project SIGLA: Education on Wheels Advocacy o research na naglalaman ng naging impact ng proyekto.
Ayon kay Project Head Emy Ruth Gianan, epektibo ang programa para mabigyan ng access sa edukasyon ang mga kabataan mula sa urban poor communities alinsunod na rin sa free tuition law.
Sa panayam naman ng RP1 team sa isa sa mga benepisyaryo ng programa na si John Andrew Dela Cruz, umaasa itong mas madagdagan pa ang matulungan ng EOW.
Ayon sa kanya, malaki ang naitulong ng libreng edukasyon ng PUP para maitaguyod niya ang kanyang pag-aaral. | ulat ni Merry Ann Bastasa