Pinaghahandaan na ng Quezon City government ang pagtaas ng kaso ng dengue sa lungsod Quezon ngayong pumasok na ang panahon ng tag ulan.
Katunayan, nagpatupad na ng “Dengue Surveillance and Update on Prevention and Control Program” ang Quezon City Health Department.
Kamakailan, nagpulong ang Quezon City Epidemiology and Surveillance Division kasama ang mga District Health Officers, Dengue Program Coordinator, Sanitation Inspectors, at mga Disease Surveillance Officer ng iba’t ibang distrito.
Kanilang tinalakay ang prevention strategies na maaaring gawin sa iba’t ibang barangay upang makontrol ang ganitong sakit.
Kasama rin sa mga pinag-usapan ang mga suliranin sa dengue program kung bakit patuloy ang pagkakaroon ng mga kaso ng dengue sa lungsod.
Ayon sa datos ng QCESD, mula Enero 1 hanggang Mayo 31, 2024, umabot na sa 1,218 ang kaso ng dengue sa lungsod. Sa kabuuang kaso, tatlo (3) ang naitalang nasawi.
Dalawa sa mga nasawi ay mula sa Barangay Batasan Hills at Commonwealth sa District 2 habang ang isa ay mula sa Barangay San Antonio sa District 1. | ulat ni Rey Ferrer