Inanunsyo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pagsasara ng ilang mga kalsada ngayong weekend para sa inagurasyon ng Pasig River Esplanade project bukas, araw ng Linggo, June 23.
Simula Sabado, Hunyo 22, mula hatinggabi hanggang Linggo, isasara ang ilang pangunahing kalsada malapit sa Manila Post Office. Kasama dito ang Intramuros-Binondo Bridge papunta at pabalik, Magallanes Drive mula Plaza Mexico hanggang Jones Bridge, at Plaza Lawton mula Jones Bridge hanggang McArthur Bridge.
Pinapayuhan ang mga motorista na gamitin ang alternatibong ruta kung saan pwedeng dumaan sa Padre Burgos Avenue, kanan sa Katigbak, pagkatapos ay kumanan muli sa Bonifacio Drive, at dumiretso hanggang Anda Circle papunta sa kanilang destinasyon.
Ang Pasig River Esplanade project, na unang binuksan noong Pebrero sa likod ng Manila Post Office, ay layong pagandahin ang lugar sa pamamagitan ng paglalagay ng mga jogging paths, bike lanes, at commercial space.
May habang 25 kilometro ang nasabing proyekto na bababay sa limang lungsod sa Metro Manila sa kahabaan ng Ilog Pasig. | ulat ni EJ Lazaro