Agad nagtungo si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa Negros Oriental para personal na pangasiwaan ang disaster response operations ng kagawaran sa mga pamilyang apektado ng pagputok ng Mt. Kanlaon Volcano sa Negros Island.
Kasama ng kalihim si DSWD Undersecretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Diana Rose Cajipe.
Ayon sa kalihim, una itong bumisita sa Canlaon City para personal na kamustahin ang mga residenteng apektadp.
Pangungunahan din nito ang coordination meeting kasama ang miyembro ng local government units (LGUs).
Una nang pinulong ng kalihim sina DSWD Field Office-6 (Western Visayas) Regional Director Carmelo N. Nochete at Field Office-7 (Central Visayas) Regional Director Shalaine Marie Lucero para sa ilalatag na disaster response sa mga apektadong lugar.
“We have to show people we are on top of the situation, even before it turns for the worst. Let’s pray for the least damage, but let’s prepare for the worst,” sabi ni Secretary Gatchalian.
Kasama sa iniutos nito ang prepositioning ng 20,000 family food packs (FFPs) sa Negros Island at Bacolod City.
Sa kasalukuyan may 72,235 FFPs boxes na ang readily available para sa distribution ng DSWD Western Visayas at Central Visayas field offices.
Nagbigay din ng direktiba ang DSWD chief sa concerned Field Offices para sa deployment ng Mobile Command Centers (MCCs) upang maihanda na ito sa real-time coordination and communication para sa national and local government agencies.
Una nang iniulat ng DSWD na may inisyal na 170 pamilya o halos 800 indibidwal sa Western at Central Visayas ang apektado ng pagalburoto ng Bulkang Kanlaon sa Negros Island kagabi. | ulat ni Merry Ann Bastasa