Nanawagan ang isang party-list solon sa pamahalaan na tiyaking may nakahandang tulong para sa mga mangingisda na maaapektuhan ang kabuhayan dahil sa ipatutupad na fishing ban ng China sa karagatan na sakop pa mismo ng ating teritoryo.
Giit ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee, karaptan natin na malayang makapangisda sa West Philippine Sea, lalo na sa mga tubig na nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) dahil teritoryo natin ito.
Ngunit dahil sa matagal na aniyang gawain ng China na mang-bully ng ating mga mangingisda sa West Philippine Sea, kailangang ihanda at siguruhin ang mabilis na paghahatid ng tulong at ayuda sa mga hindi makapangingisda dulot ng fishing ban.
Giit ng mambabatas, kung agresibo ang Tsina, kailangang maging agresibo din ang Pilipinas sa pagsuporta at pagprotekta sa karapatan ng ating mga mangingisda na makapaghanapbuhay nang ligtas at matiwasay.
Sa anunsyo ng China, magpapatupad sila ng fishing ban sa West Philippine Sea mula Mayo hanggang September 16. | ulat ni Kathleen Jean Forbes