Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang Chinese national na sangkot umano sa Illegal recruitment at Human trafficking sa Mabalacat, Pampanga kahapon.
Sa ulat ni CIDG Director Police Maj. General Leo Francisco kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, kinilala ang mga arestadong suspek na sina ayas “Tiago” at “Tian Zhu.”
Inaresto ang dalawa matapos magpatupad ang mga operatiba ng CIDG ng 7 search warrant sa Clark Freeport zone, na nagresulta sa pagkakasagip ng 13 Chinese national, kabilang ang dalawang babae at tatlong menor de edad na biktima umano ng mga suspek.
Narekober din sa mga suspek ang ibat ibang kagamitan kabilang ang mga vault, foreign currencies, dokumento, computers, cellphones, at iba pang gadgets, gayundin P167,400.00 na cash.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Anti-organized Crime Unit sa Camp Crame ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Expanded Human Trafficking Act of 2012. | ulat ni Leo Sarne
📷 Courtesy of CIDG