Binisita ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang dalawang sugatang pulis ng Regional Intelligence Division (RID) ng Police Regional Office (PRO) 4A sa N.L. Villa Hospital sa Lipa City kahapon para personal na kumustahin ang kanilang kondisyon.
Si Police Executive Master Sgt. (PEMS) Reynaldo Red at Police Staff Sgt (PSSg) Francis Olave ay lubhang nasugatan sa kanilang pagtatangkang magsilbi ng warrant of arrest sa Sitio Kambingan, Barangay Bulsa, San Juan, Batangas.
Dito’y unang pinaputukan ng suspek na si Alberto Pineda Malapitan ang mga pulis na tumuloy sa palitan ng putok at nagresulta sa pagkasugat ng mga pulis at pagkasawi ng suspek.
Si PEMS Red, ay tinamaan sa bibig at nananatili at Intensive Care Unit; habang si PSSg Olave ay tinamaan sa kaliwang hita.
Ang dalawang pulis ay ginawaran ng Gen. Marbil ng Medalya ng Sugatang Magiting at inabutan ng tulong pinansyal kasama ang kontribusyon ng Public Safety Mutual Benefit Fund, Inc. (PSMBFI) at mga tauhan ng Police Regional Office 4A.
Sinabi ni Gen. Marbil na ipinamalas ng dalawang pulis ang pinakamataas na ideals ng PNP, kasabay ng pagtiyak ng buong suporta ng PNP sa kanilang pag-rekober. | ulat ni Leo Sarne
📷 Courtesy of PNP-PIO