Inaasahan ng Department of National Defense (DND) ang paglagda ng 3 pang Reciprocal Access Agreement (RAA) kasama ang Canada, France, at New Zealand.
Ito’y kasunod ng paglagda noong Hulyo 8 ng kauna-unahang RAA ng Pilipinas kasama ang Japan, na magpapahintulot ng sabayang pagsasanay militar ng mga pwersa ng dalawang bansa.
Ayon kay DND Secretary Gilbert Teodoro ang RAA ay nakatuon sa pagpapahusay ng “interoperability” ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga kaalyadong pwersa.
Ayon sa kalihim, kahanga-hanga ang nagawa ng mga tauhan ng DND na natapos ang mabusising negosasyon ng RAA sa Japan sa mabilis na panahon, sa kabila ng kanilang limitadong bilang.
Target naman aniya ng DND na malagdaan ang 3 karagdagang RAA sa susunod na taon. | ulat ni Leo Sarne