Nabigyan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region IX ng titulo ang 425 mga benepisyaryo sa Zamboanga Peninsula mula taong 2022.
Ayon kay DENR IX Regional Executive Director Arturo Fadriquela, nabigyan ang mga benepisyaryo ng land patent o titulo sa ilalim ng Handog Titulo Program ng naturang kagawaran.
Aniya, nakahandang tumulong ang DENR IX na mabigyan ng land patent ang mga kababayang Pilipino lalo na kung sila ang ‘legal claimant’ at walang ibang umaangkin ng mga lupain na tinaguriang ‘alienable and disposable’.
Dagdag pa ni Fadriquela, kung ang lupain ay timberland o forestland hindi pinapahintulutan ng pamahalaan na magkaroon ng titulo ang nasabing mga lupain.
Aniya, mayroong programa ang pamahalaan kung saan maaaring bigyan lamang ng ‘tenural instruments’ sa halip na titulo ang mga nakatira sa nasabing lupain kung sila ay kwalipikado, at nakapagsumite ng mga tamang dokumento.
Nilinaw naman nito na pinapayagan lamang na makatira ang mga ito sa mga naturang lupain para tumulong sa pagprotekta ng kagubatan.
Ang Handog Titulo Program ng DENR ay pinapabilis ang issuance ng mga titulo ng lupa sa mga kwalipikadong benepisyaryo, pagpapatibay ng land security, at pagsulong ng socio-economic development sa pamamagitan ng legal na patunay ng pagmamay-ari. | ulat ni Justin Bulanon, Radyo Pilipinas Zamboanga
DENR IX