Malugod na tinanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang inanunsyong 500-milyong dolyar na tulong-militar ng Estados Unidos sa Pilipinas.
Sa isang mensahe sa mga mamahayag, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na ito ay pagpapakita ng matibay na suporta sa pagpapaunlad ng kakayahan ng AFP at Philippine Coast Guard (PCG).
Ito aniya ay makakatulong sa pagtiyak na epektibong magagampanan ng AFP ang kanilang “territorial defense mission” upang maka-ambag sa “regional security” at pagpapanatili ng isang bukas at malayang Indo-Pacific Region.
Ipinaubaya naman ni Col. Padilla sa Department of National Defense (DND) ang iba pang detalye tungkol sa naturang tulong-militar.
Una nang sinabi kahapon ni DND Secretary Gilbert Teodoro na ang pagtatatag ng Pilipinas ng isang “credible deterrent posture” ay mahalaga sa pagtataguyod ng “rule of international law” sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne