Naghanda ng “augmentation force” ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na idedeploy para sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 22.
Sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, na bahagi ang Sandatahang Lakas ng Task Force na responsable sa seguridad para sa ikatlong SONA ng Pangulo.
Tutulong aniya ang mga sundalo na kabilang sa Joint Task Force NCR sa Philippine National Police sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Metro Manila sa naturang okasyon.
Una nang inihayag ng PNP National Capital Region Police Office (NCRPO) na 22-libong pulis ang kanilang idedeploy para magbantay sa mga lansangan.
Nakasentro ang deployment ng PNP sa Batasan area at sa mga lugar kung saan inaasahan na magkakaroon ng mga rally. | ulat ni Leo Sarne