Nagpasalamat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagkilala ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa pagsisikap ng militar na ipagtanggol ang teritoryo ng bansa sa West Philippines Sea.
Sa isang mensahe sa mga mamahayag, sinabi ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, na ang pahayag ng Pangulo ay nagsisilbing inspirasyon sa lahat ng tauhan ng AFP na walang pagod na nagtatrabaho para tiyakin ang kaligtasan at soberenya ng bansa.
Dagdag ni Padilla, ikinararangal ng AFP ang sakripisyo at kabayanihan ng kanilang mga tauhan na walang sawang nagbabantay sa bansa.
Ayon kay Padilla, ang pagbibigay pansin ng Pangulo sa kanilang pagsisikap ay nagsisilbing “morale booster” sa mga tropa.
Binigyang diin ni Padilla na hindi magpapatinag ang AFP sa pagganap ng kanilang misyon na ipagtanggol ang soberenya ng bansa, at hindi sila aatras o susuko. | ulat ni Leo Sarne