Suportado ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang stratehiya ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. tungo sa patas at mapayapang solusyon sa tensyon sa West Philippine Sea na nakasentro sa Rules-based international order.
Ito ang inihayag ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. kasabay ng pagsabi na naniniwala ang Sansatahang Lakas sa kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan at stabilidad sa pamamagitan ng diplomatikong paguusap.
Tiniyak naman ni Gen. Brawner na hindi susuko ang AFP sa pagtatanggol ng teritoryo at sovereign rights ng bansa, alinsunod sa bilin ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address.
Sinabi ni Gen. Brawner na nakikiisa ang AFP sa bisyon ng Pangulo na lumikha ng matatag na alyansa sa mga “like-minded” na bansa para isulong ang “mutual security and cooperation.”
Nagpasalamat din si Gen. Brawner sa suporta ng Pangulo sa modernisasyon ng AFP, na mahalaga aniya para mapalakas ang pandepensang kapabilidad ng bansa. | ulat ni Leo Sarne