Mas lalo pang tumaas ang lebel ng tubig sa Marikina River.
Ito ay sa gitna ng mga nararanasang pag-ulan dulot ng Bagyong Carina at habagat.
Kahit pa katamtaman na lang ang lakas ng ulan sa mga oras na ito ay patuloy pa rin ang pagbagsak ng tubig mula sa mga bulubunduking bahagi ng Rizal.
Batay sa pinakahuling tala ng Marikina City Rescue 161 as of 1:35 PM, nasa 19.9 meters ang lebel ng tubig sa ilog.
Nakataas na ang 3rd alarm sa Marikina River at ipinatutupad na rin ang forced evacuation sa mga residenteng nasa mababang lugar.
Kanina nasa siyam na evacuation centers na ang binuksan sa lungsod para sa mga residenteng inilikas.
Sa ngayon, kapansin-pansin ang lakas ng agos ng ilog kasabay ng patuloy na pagbuhos ng malakas na pag-ulan. | ulat ni Diane Lear