Nakikipag ugnayan ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) sa kampo ni Sen. Sherwin Gatchalian para sa imbestigasyon ng umano’y banta sa buhay ng Senador.
Ito’y matapos na humingi ng tulong si Sen. Gatchalian sa Philippine National Police, kaugnay ng kanyang natanggap na “death threat” dahil sa pagsilip niya sa mga aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo, kasalukuyang inaalam ng ACG kung saan nanggaling ang banta sa mambabatas.
Una nang iniulat ni Sen. Gatchalian sa Pasay Police ang kumalat na video na mistulang banta sa kanyang kaligtasan, na nagdulot ng takot sa kanyang pamilya.
Tiniyak naman ni Fajardo na gagawa ng kaukulang aksyon ang PNP kung mapatunayang may lehitimong banta sa buhay ng senador. | ulat ni Leo Sarne