Tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mahigpit na pakikipagtulungan nito sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng oil spill sa Limay Bataan kasunod ng paglubog ng M/T Terra Nova noong Hulyo 25, 2024.
Partikular ang potensyal na epekto nito sa marine life at kalusugan ng publiko.
Sa ngayon, mahigpit nang minomonitor ng BFAR ang mga catch landing para matiyak na walang bakas ng langis ang mga huling isda at ang pagsasagawa ng sensory analysis ng fish samples mula sa katubigan.
Batay sa test results sa fish samples na sinuri ngayong araw mula sa karagatan ng Limay, Orion, Balanga City, at Samal sa Bataan, lahat ay pumasa sa sensory analysis.
Sasailalim din ito sa pagsusuri ng third-party laboratories para sa presensya ng langis at grasa, at mga nakakapinsalang contaminant na tinatawag na Polycyclic Aromatic Hydrocarbons (PAHS).
Hanggang ngayon, hindi pa naglalabas ng fishing ban ang BFAR sa mga kalapit katubigan na hindi pa apektado ng oil spill.| ulat ni Rey Ferrer