Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na umakyat na sa 34 ang kanilang naitalang nasawi dahil sa epekto ng bagyong Carina at Habagat.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo, base ito sa paunang datos ng iba’t ibang himpilan ng pulisya bilang mga first responder.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, nilinaw naman ni Fajardo na ang bilang na ito ay dadaan pa sa validation ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ayon kay Fajardo, 11 sa mga iniulat na nasawi ay sa Metro Manila.
Karamihan umano sa mga nasawi ay biktima ng pagkalunod na nasa 22; habang anim ang natabunan ng lupa; lima ang nakuryente, at isa ang nabagsakan ng puno.
Samantala, nakapagtala din ang PNP ng 18 sugatan at anim pang nawawala sa pagpapatuloy ng Humanitarian Assistance and Disaster Relief (HADR) operations sa NCR, Ilocos Region, Gitnang Luzon, Calabarzon at Bicol. | ulat ni Leo Sarne