Umabot na sa 90 volcanic earthquake ang naitala sa Bulkang Kanlaon sa Negros Island sa loob ng 24 oras.
Ayon sa ulat na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kaninang alas-1:15 ng hapon, nangyari ang mga pagyanig sa pagitan ng 3PM nitong Hulyo 2 at alas-12 ng tanghali ngayong araw, Hulyo 3.
Karamihan sa mga pagyanig na ito ay mula sa lalim na 20 kilometro sa Timog-Silangan ng bulkan, kabilang dito ang limang volcano-tectonic na nagdulot ng rock fracturing at 85 mahinang low-frequency na nagpapahiwatig ng paggalaw ng mga volcanic fluid.
Samantala, patuloy ang pagbuga ng volcanic sulfur dioxide mula sa summit crater ng bulkan at umabot sa pinakamataas na 5,083 tonelada kahapon.
Babala ng PHIVOLCS, nakataas pa rin ang Alert Level 2 sa Kanlaon Volcano.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal sa publiko ang pagpasok sa four-kilometer-radius permanent danger zone sa paligid ng summit crater ng bulkan. | ulat ni Rey Ferrer