Binigyang pugay at pagkilala ng Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na nagbuwis ng buhay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa bansa.
Ayon kay PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, ang katapangan na ipinamalas ng mga pulis ay magsisilbing inspirasyon sa buong hanay ng pulisya.
Inialay ng mga ito ang kanilang buhay upang protektahan ang mamamayan at komunidad laban sa kriminalidad.
Sabi pa ni CPNP Marbil, habang nagdadalamhati sa kanilang pagkawala, nararapat lamang na parangalan ang kanilang alaala sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng kanilang misyon.
Batay sa datos ng PNP, mula Enero 1 hanggang Hulyo 13, 2024, may 16 na pulis ang nasawi habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, 40 ang nasugatan, kabilang ang apat na pulis-Maynila.
Nanawagan si General Marbil sa lahat ng PNP personnel na buuin ang sakripisyo ng mga nasawing kasamahan at tiyakin ang kanilang kaligtasan.| ulat ni Rey Ferrer