Personal na nagtungo ngayon sa Limay, Bataan si Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga upang makapagsagawa ng inspeksyon sa nangyaring oil spill sa Lamao Point.
Aalamin ng kalihim ang lawak ng pinsala sa kapaligiran ng pagtagas ng langis mula sa tumaob na motor tanker.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pinaghahandaan nila ngayon na protektahan ang marine ecosystem at ang kalusugan ng publiko sa baybayin ng Bataan.
Sa ngayon, ang BRP Melchora Aquino ng Philippine Coast Guard (PCG) ay naglunsad ng search and rescue operations para sa nawawalang crew ng motor tanker.
Nauna namang naiulat ng PCG na isang motor tanker na MT Terra Nova ang lumubog at may kargang 1.4 million liters ng industrial fuel sa 3.5 nautical miles mula sa Limay, Bataan.
Nasa 16 na tripulante ang nailigtas at isa ang nawawala. | ulat ni Diane Lear