Tiniyak ng Department of Education (DepEd) Marikina ang kanilang kahandaan na magpaabot ng tulong sa mga school personnel na naapektuhan ng pagbaha dulot ng Habagat at bagyong Carina.
Ito ang inihayag sa Radyo Pilipinas ni Marikina School Superintendent Dr. Cynthia Ayles kasunod ng kanilang rekomendasyon na iurong sa Agosto 5 ang pagbubukas ng klase sa kanilang lungsod.
Kabilang na rito aniya ang psychosocial intervention gayundin ang pagbibigay ng learning materials na pamalit sa mga napinsala ng pagbaha.
Ayon kay Dr. Ayles, nasa 44 porsyento ng kanilang teaching at non-teaching personnel ang apektado ng pagbaha kung saan sila’y nananatili sa mga evacuation center sa lungsod.
Katumbas aniya ito ng 1,215 na teaching personnel at 168 na non-teaching personnel mula sa mahigit 3,000 nilang puwersa.
Bukod pa ito sa mahigit 8,000 mag-aaral na inilikas din matapos bahain ang kanilang mga tahanan sa kasagsagan ng matinding pag-ulan.
Giit ni Dr. Ayles, mahalaga na mapanatiling mataas ang morale ng mga guro sa kabila ng masalimuot na pangyayari upang hindi makaapekto sa kanilang pagganap sa tungkulin sa sandaling magbukas na ang klase. | ulat ni Jaymark Dagala