Hindi pa malinaw kung maibabalik sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga armas na sapilitang kinuha ng Chinese Coast Guard sa Rotation and Resupply (RORE) Mission sa Ayungin Shoal noong Hunyo 17.
Ayon kay Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, naghihintay pa ng “Feedback” ang AFP mula sa kaukulang ahensya ng gubyerno kaugnay ng “demand” ng AFP na isoli ang naturang mga gamit.
Matatandaang mismong si AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang nag-“demand” na isoli ng Chinese Coast Guard ang kinuha nilang disassembled na armas at equipment na dala ng mga sundalong Pilipino sa nabanggit na RORE Mission.
Una nang tinawag ni Gen. Brawner na “pamimirata” ang ginawa ng Chinese Coast Guard.
Sinabi naman ni Trinidad na sa kabila ng pangyayari, hindi magpapapigil ang AFP sa mga hakbang ng China, at ipagpapatuloy pa rin ang mga RORE mission sa WPS dahil ito ang kanilang mandato. | ulat ni Leo Sarne