Ilalagay ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa full alert status ang kanilang pwersa sa darating na araw ng Linggo bilang paghahanda sa State of the Nation Address ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Lunes.
Ito ang inihayag ni NCRPO Chief at Task Force SONA Commander MGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa send-off ceremony para sa mga pulis na magppatupad ng seguridad sa SONA, sa Camp Karingal ngayong umaga.
Ayon kay Nartatez, aabot na sa 23 libong pulis ang kanilang idedeploy sa Metro Manila para sa SONA, kabilang ang mga karagdagang pwersa mula sa Police Regional Office (PRO) Calabarzon at Central Luzon.
Itinanggi naman ni Nartatez ang puna ng ilang kritiko na “overkill” ang bilang ng mga pulis na idedeploy, at sinabing gusto lang matiyak ng PNP na maging “seamless” , “smooth” at “peaceful” ang SONA sa Lunes.
Paliwanag ni Nartatez, bukod sa ibibigay na seguridad sa Pangulo , kabilang din sa bibigyan ng seguridad ang nasa 2-libo pang mga bisita kabilang ang mga diplomats na inaasahang magtutungo sa Batasang Pambansa.
Kasama din aniya sa pangangalagaan ng mga pulis ang kaligtasan ng mga inaasahang lalahok sa mga rally. | ulat ni Leo Sarne