Natunton ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang abandonadong SUV na hinihinalang ginamit na getaway vehicle ng mga dumukot sa Beauty Queen na si Geneva Lopez at nobyo niyang Israeli.
Batay sa ulat ng CIDG, natagpuan ang kulay puting SUV sa inabandona sa gilid ng isang bahay sa Sitio Barbon, Brgy. Tibag sa Tarlac City sa Tarlac.
Nabatid na isinagawa ng CIDG ang operasyon matapos makatanggap ng isang “tip” mula sa isang impormante hinggil sa kinaroroonan ng abandonadong sasakyan.
Ito na ang ika-3 sasakyang nakitang kasama sa convoy ng nawawalang magkasintahan gayundin ng middleman nang magtungo sila sa biniling lupa ng mga biktima sa Brgy. Armenia, Tarlac City noong Hunyo 21.
Dinala na ang naturang sasakyan sa tanggapan ng PNP – Highway Patrol Group (PNP-HPG) na sinasabing nakarehistro sa isang lalaking taga-Bacoor City sa Cavite. | ulat ni Jaymark Dagala