Umabot na sa halos 500 pamilya ang inilikas sa Lungsod ng Pasig na apektado ng mga pagbaha dahil sa mga pag-ulan na dala ng bagyong Carina at habagat.
Batay sa pinakahuling datos ng Pasig PIO, nasa 492 na pamilya o 1,948 na mga indibidwal ang kasalukuyang tumutuloy sa 19 na mga evacuation center sa lungsod.
Nanawagan din ang Pasig LGU sa mga residente na nasa mababang lugar na lumikas na kung nagpatupad na ng forced evacuation ang kanilang mga barangay lalo na sa Santolan, Dela Paz, Maybunga, at ilang lugar sa Manggahan.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na may sapat silang stockpile ng food at non-food items para sa mga tumutuloy sa evacuation center.
Samantala, nag-deploy din ang lokal na pamahalaan ng service vehicle upang mag-ikot sa lungsod para sa mga na-stranded dahil sa baha.
Maaari namang tumawag sa Pasig Emergency Hotline na 8643-0000 kung kinakailangan. | ulat ni Diane Lear