Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na gagawin ng pamahalaan ang lahat para makamit ang hustisya sa brutal na pagpatay kay beauty pageant contestant Geneva Lopez, at kanyang Israeli boyfriend na si Yitshak Cohen.
Ito ang inihayag ni Abalos sa pulong balitaan sa Camp Crame kasama si PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, kasabay ng presentasyon sa dalawa sa tatlong naarestong persons of interest sa kaso.
Kinilala ni Abalos ang dalawang naaresto noong Sabado dahil sa illegal possession of firearms na sina: Michael Angelo Barrento, isang dating pulis na na-dismiss noong 2020 na umaktong real estate agent sa lupang balak bilhin ng magkasintahan; at si Rommel Medina Abuzo, isa ring dating pulis na na-dismiss sa serbisyo noong 2019.
Habang ang pangatlong person of interest na si Jeffrey Estrada Santos alyas “Jeff” ay naaresto naman noong Julyo 4, sa buy bust operation matapos magbenta ng baril sa undercover agent.
Ayon kay Abalos, naaresto ang tatlo sa ibang kaso pero sila ay mga kasamahan umano ng unang dalawang sumukong persons of interest at dalawa pang pinaghahanap.
Ang tatlong nabanggit na persons of interest ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Tarlac Provincial Field Unit. | ulat ni Leo Sarne