Naglabas ng abiso ang Land Transportation Office (LTO) na pansamantalang isasara ang ilang tanggapan nito sa National Capital Region (NCR).
Ito ay dahil sa matinding pinsalang dulot ng bagyong Carina.
Batay sa abiso, kabilang sa mga saradong opisina ng LTO-NCR sa Quezon City ang Traffic Adjudication Section, New Registration Unit, at G. Araneta Licensing Section gayundin ang La Loma District Office.
Naglagay naman ng public assistance desk ang LTO para sa mga nag-walk in at hindi nakaalam ng abiso.
Patuloy ang isinasagawang paglilinis ng LTO sa kanilang tanggapan na sa ngayon ay wala pa ring kuryente at internet connection.
Hindi pa rin masabi kung kailan magbabalik sa normal ang kanilang operasyon.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga opisyal na social media platforms ng LTO para sa mga anunsiyo tungkol sa muling pagbubukas ng mga apektadong tanggapan.
Humihingi ng paumanhin ang LTO sa abalang dulot nito, at umaasa sa pang-unawa at kooperasyon ng publiko sa panahong ito ng pagsubok. | ulat ni Diane Lear