Kahanga-hangang pag-unlad ng Iloilo City, iniulat ni Mayor Jerry Treñas

Facebook
Twitter
LinkedIn

Tumatayo ang Iloilo City bilang maningning na halimbawa ng pag-unlad, na pinalalakas ng pangako ng tuloy-tuloy na pag-asenso at pagpapalakas sa mga komunidad.

Sa nakalipas na anim na taon, nakamit ng Iloilo City ang ilang mga pagkilala sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Jerry Treñas, na nakatuon sa mga programa na nagtataguyod ng paglago ng ekonomiya, pagpapayabong ng kultura, at tuloy-tuloy na pagpapayaman ng ating kalikasan.

Sa mga proyekto at programang ito, hindi lang napataas ang antas ng siyudad, kundi napaganda rin ang buhay ng mga residente nito.

Nakakuha ang Iloilo City ng mga parangal, gaya ng pagiging Creative City of Gastronomy ng UNESCO, na bahagi ng mayamang kaalaman nito sa pagluluto at kultura.

Nagwagi rin ang makabagong I-Bike Program ng lungsod sa prestihiyosong 2022 Galing Pook Award, na nagbibigay-diin sa dedikasyon nito sa urban mobility.

”Ang Iloilo City ay higit pa sa isang lugar; ito ay isang komunidad kung saan nagtatagpo ang pagbabago at tradisyon. Ang aming mga tagumpay ay sumasalamin sa aming sama-samang hangarin sa pagbuo ng isang lungsod na nabubuhay sa pagiging pagkamalikhain, inclusivity, at sustainability,” wika ni Mayor Treñas.

Bilang pagkilala sa pagsusulong ng pinalakas na klima para sa pagnenegosyo, nakuha rin ng lungsod ang 2023 Most Business-Friendly Local Government Unit (LGU) award mula sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI).

Tampok sa parangal na ito ang pagsisikap ng lungsod na suportahan ang mga lokal na negosyo at pag-akit ng mga negosyante na magdadagdag sa sigla ng ekonomiya.

Mahalaga rin sa plano ni Mayor Treñas ang pagpapalago ng imprastraktura para sa kinabukasan ng Iloilo City.

Makikita ang katuparan ng pangakong ito sa pagbuhay sa Central at Terminal Markets sa pamamagitan ng public-private partnership sa SM Prime Holdings.

Nagkakahalaga ng ₱1.5-billion hanggang ₱2.5-billion, layon ng proyekto na gawing moderno ang mga pasilidad ng pamilihan, at bigyan ng magandang espasyo ang mga lokal na negosyante na makatutulong sa kanila para umunlad at maitampok ang kanilang mga produkto.

“Nakikita natin ang mga palengkeng ito hindi lang bilang economic hubs kundi mga community center na nagtataguyod ng lokal na kultura at pagnenegosyo,” ani Mayor Treñas.

“Sa pamamagitan ng pagpapasigla sa mga espasyong ito, gumagawa kami ng pagkakataon para sa aming mga vendor na mapalago ang kanilang mga negosyo nang tuloy-tuloy,” dagdag pa niya.

Samantala, kinatigan ni Steven Tan, presidente ng SM Supermalls, ang pananaw na ito ni Mayor Treñas, sa pagbibigay-diin sa papel ng SM sa pagsuporta sa mga lokal na komunidad at pagsusulong ng tuloy-tuloy na pag-asenso sa pamamagitan ng pamumuhunan sa imprastraktura.

Sa hinaharap, sinabi ni Treñas na matibay ang kanyang hangarin na isulong ang pakay na tuloy-tuloy na pag-unlad para sa Iloilo City.

“Ang aming pokus ay nakatuon sa pagbuo ng isang lungsod na pinapaigting pa ang mga pagbabago, pinapanatili ang mga pamana ng kultura, at pinahuhusay ang kalidad ng buhay para sa lahat ng Ilonggo,” pagbibigay-diin ng alkalde. | ulat ni Mike Rogas

📸: Iloilo City Public Information Office

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us