Pumalag ang kampo ng puganteng si Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy sa Sampong milyong piso na patong sa kanyang ulo.
Ayon sa kanyang abogado na si Ferdinand Topacio, ang pamamaraan ng pagpapalabas ng reward money sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan o lugar ni Pastor Quiboloy ay masyadong kwestyunable.
Sabi nya, karaniwan ang iniaalok na cash reward ay nagmumula sa intelligence funds ng pamahalaan at hindi sa pinagsama-samang donasyon mula sa mga pribadong indibidwal.
Tanong ni Topacio kay Interior Secretary Benjamin Abalos, wala na bang natitirang intelligence fund ang gobyerno kaya tatanggapin na nila ang tulong pinansyal mula sa private sector kasabay ng hamon kay Abalos na pangalanan ang mga donors lalo pa at karapatan itong malaman ng sambayanan batay sa constitutional right to information.
Magugunitang kahapon ay inanunsyo ni Abalos sa press conference na magbibigay sila ng sampung milyong pisong cash reward sa sinumang tao na makakatulong para matunton ang lugar kung saan namamalagi ang pastor. | ulat ni Michael Rogas