Lalo pang lumawak ang mga baybayin na apektado na ng tumagas na langis mula sa lumubog na barko sa Bataan.
Sa virtual press conference, sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, apektado na ang mga baybayin ng Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila at Cavite.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang paghigop sa langis na nasa loob ng MT Tera Nova matapos makita ang 14 na butas na pinagmumulan ng pagtagas.
Pero sa isinagawang aerial survey ng PCG, minimal pa lang naman ang nakitang pagkalat ng langis sa Manila Bay at wala pa namang naitala na pinsala sa mga baybayin.
Gumagamit na ngayon ng bunot ng niyog ang PCG at ang kinontrata na barko na humihigop sa kargang langis.
Plano rin ng PCG at kumpanya ng MT Tera Nova na palutangin ang nasabing barko upang mabilis itong maialis sa karagatan. | ulat ni Michael Rogas