Kabuuang 1,625 college students mula sa iba’t ibang State Universities and Colleges (SUCs) at Local Government Universities sa Visayas at Mindanao ang nakinabang sa pinalawig na Tara, Basa! Tutoring program ng Department of Social Welfare and Development.
Ito ang inihayag ng DSWD bilang pagtatapos ngayong taon ng 20-day tutoring sessions ng expanded Tara, Basa! Tutoring Program.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao, ang Tara, Basa! Tutoring Program ay isang reformatted educational assistance, kung saan itinatalaga ang mga college students upang magsilbing tutor at youth development workers (YDWs) na tutulong sa mga elementary students na hindi makabasa.
Ang bawat isang tutor at YDW ay tatanggap ng cash-for-work kapalit ng kanilang pagtuturo sa mga grade school students at magulang ng mga ito.
Ang sweldo na kanilang matatanggap ay naka-batay sa regional minimum wage rate sa lugar na kanilang nasasakupan.
Mayroon naman 9,565 incoming students, magulang at guardians ng dalawang island clusters ang nakinabang din sa nasabing programa. | ulat ni Rey Ferrer