Nananatili pa rin sa mga evacuation center sa Valenzuela City ang libo-libong pamilya na inilikas dahil sa pananalasa ni bagyong Carina at habagat.
Hanggang kagabi, aabot pa sa 3,306 pamilya o katumbas ng 12,476 indibidwal ang nasa 54 na evacuation centers sa lungsod.
Ayon sa LGU may mga pamilyang nagsibalikan na sa kanilang mga bahay kahapon nang matiyak na bumaba na ang tubig baha at ligtas nang balikan.
Matapos magsagawa ng inspeksyon sa ilang evacuation center si Mayor Wes Gatchalian, nagpatawag ito ng emergency meeting sa mga department heads at mga barangay captain ng lungsod.
Tinalakay sa pulong ang naging epekto ng bagyo sa mga mamamayan at sa buong lungsod ng Valenzuela.
Kabilang din sa napag-usapan ang paggamit ng Quick Response Funds at ang pagbili ng mga equipment, mga gamit sa pagre-repair at medisina para sa mamamayan. | ulat ni Rey Ferrer