Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang mataas na lebel ng sulfur dioxide na ibinubuga ng Bulkang Taal.
Batay sa datos ng PHIVOLCS, umabot sa 11,745 tonelada kada araw ang ibinubugang volcanic sulfur dioxide o SO2 ng Bulkang Taal.
Ito ay mas mataas kumpara sa karaniwang 7,777 tonelada kada araw na ibinubuga ng bulkan ngayong taon.
Nagdulot ito ng makapal na usok na umabot ng 2,400 metro mula sa bunganga ng bulkan.
Ayon sa PHIVOLCS, ang mataas na konsentrasyon ng sulfur dioxide ay maaaring magdulot ng iritasyon sa mata, lalamunan, at respiratory tract.
Paalala ng PHIVOLCS sa mga residente na malapit sa Bulkang Taal, manatili sa loob ng bahay, isara ang mga bintana at pinto, gumamit ng N95 facemask, at uminom ng maraming tubig.
Sa ngayon, nananatili pa rin ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal, ibig sabihin ay mayroong banta pa rin ng pagputok ng bulkan. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island at Permanent Danger Zone. | ulat ni Diane Lear