Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Rommel Francisco Marbil ang panibagong balasahan sa matataas na opisyal sa kanilang hanay.
Epektibo ngayong araw, inilipat si Police Lt. Gen. Jonnel Estomo sa Area Police Command – Southern Luzon mula sa Area Police Command – Western Mindanao.
Papalitan siya ni Police Maj. Gen. Bernard Banac na nagmula naman sa Directorate for Police Community Relations (DPCR) kung saan, hahalili sa kaniya si Police Brig. Gen. Rhoderick Augustus Alba mula sa Directorate For Human Resource And Doctrine Development (DHRDD).
Mula naman sa Personnel Holding and Accounting Unit, Directorate for Personnel and Records Management (PHAU, DPRM), itinalaga si Police Brig. Gen. Erich Tan Royales sa DHRDD kapalit ni Alba.
Ang pinalitan naman ni Estomo sa APC-Southern Luzon na si Police Maj. Gen. Marcelino Bazar ay itinalaga bilang bagong pinuno ng Directorate for Information and Communications Technology Management (DICTM).
Habang si Police Brig. Gen. Neri Vincent Ignacio ay itinalaga sa Directorate for Comptrollership mula sa Directorate for Logistics. | ulat ni Jaymark Dagala