Palalawakin ng Pilipinas ang isinasagawang “Maritime Cooperative Activity” o MCA kasama ang Estados Unidos, upang mapabilang Australia at Japan at iba pang mga kaibigang bansa.
Ito ang inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro sa 2 plus 2 Ministerial Conference kahapon kasama si Department of Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, US Secretary of State Antony Blinken, at US Department of Defense Sec. Lloyd Austin III sa Camp Aguinaldo.
Ang MCA ay ang sabayang pagpapatrolya sa karagatan at himpapawid sa teritoryo ng bansa na ginagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kasama ang mga kaalyadong pwersa.
Kasabay nito, sinabi ni Teodoro na makikipagtulungan sa mga kaalyado ang Pilipinas upang palakasin ang kakayahan sa Cybersecurity.
Ayon kay Teodoro, sa pamamagitan ng pinalakas na kooperasyon at interoperability ng mga pwersa ng Pilipinas at kaalyadong bansa sa larangang pandepensa sa land, sea, air, at cyberspace, ay malaki ang maiaambag ng PH-US alliance sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon. | ulat ni Leo Sarne