Pinagsabihan na ni Makati Mayor Abby Binay-Campos ang mga opisyal ng lungsod na nagbigay ng “go signal” sa isang advertising campaign na palitan ang pangalang Gil Puyat at gawing Gil Tulog Ave.
Paliwanag ni Binay-Campos, ang request permit ng naturang advertising campaign ay hindi umabot sa kanyang opisina dahil kung umabot aniya ay agad niya itong ire-reject.
Giit ng alakalde na dapat ay pinag-isipan muna ng naturang mga approving officials bago nila ito inaprubahan.
Dapat din aniyang iniisip ng mga naturang opisyal ang posibleng kaguluhang dulot nito sa mga motorista at komyuter.
Dapat din ay binigyang halaga ang respeto sa pamilya at sa alaala ng dating Senate President Gil Puyat.
Dahil dito ay pinagsabihan na ni Binay-Campos ang kanyang mga tauhan hinggil sa maliwanag subalit hindi inaasahang pagkakamali.
Humihingi naman ng paumanhin ang alkalde sa publiko at sa pamilya ni dating Senate President Puyat.
Inatasan na rin ni Binay na tanggalin na ang Gil Tulog Ave. at ibalik sa dating Gil Puyat Ave. | ulat ni Lorenz Tanjoco