Nasa “final stage” na ang paglalatag ng seguridad ng Philippine National Police (PNP) sa paligid ng Batasang Pambansa kung saan idaraos ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa July 22.
Ito’y ayon kay PNP Public Information Office Chief, PCol. Jean Fajardo kasabay ng pagtitiyak na walang anumang seryosong banta silang namo-monitor subalit hindi sila magpapaka-kampante rito.
Kasunod niyan, mariing pinabulaanan ni Fajardo ang mga kumakalat na balitang may namumuong destabilisasyon sa administrasyon at sa katunayan ay nagpapatuloy ang intelligence sharing ng iba’t ibang law enforcement agency.
Gayunman, nilinaw ni Fajardo na ang tinututukan ng PNP ay ang latag ng seguridad sa labas ng Batasang Pambansa dahil ang siya namang namamahala sa seguridad sa loob nito ay ang House of Representatives Sargeant-at-Arms at Presidential Security Group.
Una nang inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na aabot sa mahigit 22,000 pulis at force multipliers ang ipakakalat sa nasabing okasyon.
Mula sa nasabing bilang, sinabi ni Fajardo na aabot sa 5,000 hanggang 6000 pulis ang itatalaga sa paligid ng Batasan para naman tumulong sa pagmamando ng trapiko gayundin ay para bantayan ang mga “no rally zone.” | ulat ni Jaymark Dagala