Hindi sususpendihin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang number coding scheme sa Metro Manila bukas.
Partikular sa lungsod Quezon na pagdadausan ng ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Paliwanag ni MMDA Acting Chairman Don Artes, posible pang dumami ang sasakyan sa lansangan at magsikip ang daloy ng trapiko kapag sinuspinde ang number coding scheme.
Kaya hindi pa rin papayagan ng MMDA na makapagbiyahe ang mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa number 1 at 2.
Itoy mula alas-7:00 hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.
Nauna nang inanunsyo ng MMDA ang inilatag nilang alternate routes at pagdeploy ng higit 1,300 tauhan para alalayan ang inaasahang mabigat na daloy ng trapiko.
Partikular na tinukoy ng MMDA ang bahagi ng Quezon City na sentro ng mga aktibidad sa SONA ni Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Rey Ferrer