Abiso sa mga motorista.
Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng traffic management plan partikular na sa Batasang Pambansa, Quezon City sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr sa Lunes.
Ayon kay MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes, mahigit 1,300 na mga tauhan ng ahensya ang ipakakalat sa araw ng SONA upang tumulong sa pagmamando ng trapiko, crowd control, emergency response, magsagawa ng road at sidewalk clearing operations, at traffic monitoring.
Bilang bahagi ng traffic management plan, magpapatupad ang MMDA ng zipper lane o counterflow sa Southbound na bahagi ng Commonwealth Avenue upang magbigay daan sa mga sasakyan ng mga opisyal ng pamahalaan at mga bisita na magtutungo sa Batasang Pambansa Complex.
Ang Batasan-IBP Road naman ay pansamantalang isasara sa mga motorista simula alas-8 ng umaga bilang bahagi ng paghihigpit ng seguridad sa araw ng SONA.
Pinapayuhan ang mga motorista na humanap ng alternatibong ruta upang maiwasan ang inaasahan mabigat na trapiko sa Commonwealth Avenue at sa paligid ng Batasang Pambansa Complex, lalo na sa oras ng alas-3 ng hapon kung saan inaasahang magdaratingan ang dignitaries.
Tiniyak naman ni Artes na 100 porsyento nang handa ang MMDA sa gaganaping SONA ng Pangulo. | ulat ni Diane Lear