Ilang kalsada sa Metro Manila ang maaapektuhan ng pagbagal ng usad ng trapiko dahil sa transportasyon ng isang Tunnel Boring Machine (TBM) na gagamitin sa Metro Manila Subway Project.
Sa abiso ng Metropolitan Manila Development Authority, asahan na ang pagbagal ng trapiko sa mga kalsadang ito simula alas-9:00 ng gabi ngayong Hulyo 20 hanggang alas-4:00 ng madaling araw ng Hulyo 21 at alas-9:00 ng gabi ng Hulyo 21 hanggang alas-4:00 ng Hulyo 22.
Manggagaling sa Manila Harbor Center ang Tunnel Boring Machine at dadalhin sa Camp General Emilio Aguinaldo sa Quezon City.
Ito ang gagamitin sa konstruksyon ng subway na magdudugtong sa Camp Aguinaldo Station at Ortigas Station.
Kabilang sa mga kalsada na maapektuhan ay ang Port area /R-10 sa Maynila, C3 Road, 5th Avenue sa Calookan, G. Araneta Avenue sa Quezon Avenue, E. Rodriguez Sr. Avenue, Gilmore Avenue at Col. Boni Serrano Avenue.
Pinapayuhan ng MMDA ang mga motorisra na gumamit muna ng alternatibong ruta sa kanilang pagbiyahe. | ulat ni Rey Ferrer