Inanunsyo ni PNP Public Information Office (PIO) Chief Police Col. Jean Fajardo ang pagbuo ng Philippine National Police ng Special Investigation Task Group (SITG) para tumutok sa kaso ng nawawalang beauty pageant candidate na si Geneva Lopez at ang kanyang Israeli boyfriend na si Yitshak Cohen.
Alinsunod aniya ito sa utos ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, kung saan inatasan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na mangunguna sa imbestigasyon.
Tutulong din aniya sa imbestigasyon ang Highway Patrol Group (HPG), Anti-Cybercrime Group (ACG) , Forensic Group at iba pang national support unit.
Ayon kay Col. Fajardo, mayroon na silang mga Persons of Interest sa kaso ngunit hindi muna ito idinetalye hangga’t nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon.
Matatandaang si Geneva at ang kanyang boyfriend ay nawawala simula pa noong Hunyo 21 matapos umalis sa Angeles City sa Pampanga para puntahan ang lupang balak nilang bilhin sa Tarlac. | ulat ni Leo Sarne