Tuloy-tuloy na ang pamamahagi ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga residente sa Metro Manila na naapektuhan ng bagyong Carina at habagat.
Batay sa ulat ng DSWD-National Capital Region, hanggang kahapon ng hapon, aabot na sa 49,270 family food packs ang naipamahagi sa mga sinalanta ng kalamidad.
Mahigpit nang nakipag-ugnayan ang ahensya sa local government units para sa tuloy-tuloy na paghahatid ng tulong.
Sa datos ng DSWD-NCR, may kabuuang bilang na 36,495 pamilya o 144,057 indibidwal ang nailikas sa kasagsagan ng sama ng panahon.
Pagtitiyak pa ng departamento na nakahanda pa silang umalalay sa mga LGUs para sa anumang tulong kung kinakailangan. | ulat ni Rey Ferrer