Isinulong ni Presidential Peace Advidser Secretary Carlito Galvez Jr. ang paglikha ng “Department of Peace” na papalit sa Office of the Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU).
Sa pulong balitaan kahapon, sinabi ni Galvez na ang iminumungkahing “Peace Department” ang magpapanatili ng mga nakamit ng komprehensibong prosesong pangkapayapaan at mag-i-institutionalize ng “peace agenda” ng pambansang pamahalaan.
Ayon kay Galvez, bahagi ng “best practices” ng ibang mga bansa ang pagkakaroon ng “Ministry or Department of Peace” para i-consolidate ang mga inisyatibang pangkapayapaan ng bawat administrasyon para pakinabangan ng mga susunod.
Makakatulong din aniya ang paglikha ng “Department of Peace” sa “Security of tenure” ng mga “peace builder” na iniukol ang kanilang talento at buhay sa pagsulong ng kapayapaan.
Ang OPAPRU ang dating Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na nilikha sa pamamagitan ng Executive Order 158 na nilagdaan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 2021. | ulat ni Leo Sarne